Ano ang Pandiwa? Ano ang mga Uri, Pokus at Aspekto ng Pandiwa?

Ano ang Pandiwa, Uri, Halimbawa, Pokus at Aspeto

Bilang isang estudyante, hindi natin maiiwasang magtanong kung bakit kailangan pa natin pag-aralan ang mga iba’t-ibang uri na ginagamit sa pangungusap.

Bakit ba ito mahalaga at paano ito makakatulong sa atin? Yan ang mga karaniwang tanong ng bawat estudyante kaya halina’t tuklasin natin ang isa sa mga uri na ginagamit sa pangungusap at ito ay tungkol sa PANDIWA.

Sa araw na ito, samahan mo ako at talakayin natin kung ano ang kahulugan, halimbawa, uri, pokus, aspekto at kung kailan dapat gamitin ang Pandiwa.

Ang artikulong ito ay naglalaman ng iba’t ibang uri ng kaalaman na maaari mong magamit sa iyong mga aralin, at proyekto na may kaugnay sa ating tatalakayin ngayon. Halina’t maglibang at mag-aral.

Ano ang Pandiwa?

Ang pandiwa ay bahagi ng pananalita o wika na nagsasaad ng kilos, aksyon, o galaw ng isang tao, bagay o hayop. Ang mga pandiwa ang nagbibigay kahulugan o buhay sa loob ng isang pangungusap.

Ang pandiwa ay binubuo ng salitang ugat na kalaunan ay pinupunan o dinudugtungan ng isa o higit pa na bilang ng mga panlapi.

Sa wikang Ingles, ito ay tinatawag na verb.

PAGBABALIK ARAL!

Alam naman natin na ang panlapi ay isang kataga o mga kataga na kinakabit sa unahan, gitna at hulihan ng isang salitang ugat upang makabuo ng isang panibagong salita.

Ang mga panlaping ginagamit sa mga pandiwa ay tinatawag na magkadiwang panlapi. Dahil sa paggamit ng mga makadiwang panlapi nagkakaroon rin ng bagong diwa ang mga payak na salitang pandiwa.

Layunin tungkol sa mga iba’t ibang uri ng gamit sa Pandiwa

Bilang bahagi ng pag-aaral sa paksa na ito, ikaw ay inaasahang matuto sa mga sumusunod na layunin;

  1. Malalaman mo kung ano ang pagkakaiba ng tatlong gamit ng pandiwa.
  2. Matutukoy mo ang angkop na gamit ng pandiwang gagamitin sa mga pangungusap.
  3. Maaari mong magamit sa pang-araw-araw na pamumuhay ang mga aralin na matutunan mo tungkol sa tatlong angkop na gamit ng pandiwa.

Gamit ng Pandiwa

Bukod sa pagsasaad at paglalarawan nito ng mga kilos o aksyon, ito rin ay nagpapahayag ng mga karanasan at mga pangyayari na puwede nating mailarawan gamit ang mga salitang pandiwa.

  1. Pandiwa bilang Aksyon
  2. Pandiwa bilang Karanasan
  3. Pandiwa bilang Pangyayari

Pandiwa bilang Aksyon

Nagpapahayag ito ng aksyon kung ito’y may tagaganap ng askyon. Mayroong aksiyon ang pandiwa kung may elemento ng pangunahing tagaganap, tagagawa o tinatawag na aktor ng isang kilos o galaw.

Ang simuno o ang paksa ng pangungusap ang pangunahing tagaganap o tagagawa. Ang actor ng mga pandiwa ay maaaring tao, bagay o hayop.

Ito ay mabubuo sa tulong ng mga panlaping um, mag, ma-, mang-, maki-, at mag-an.

Mga Halimbawa:

  • Tumahan ang bunsong kapatid sa pag-iiyak nang dumating ang kanyang ama. (Ang tumahan ay ang salitang pandiwa habang ang bunsong kapatid ang aktor o tagaganap.)
  • Kahit hindi maganda ang bungad ng panahon naglakbay parin ang mga magsasaka patungong bukid. (Ang naglakbay ay ang salitang pandiwa habang ang mga magsasaka ay ang tagaganap.)
  • Tumalima si Khyle sa mga hinihingi ni Jam. (Tumalima ay ang salitang pandiwa habang si Khyle ay ang tagaganap.)
  • Tumalon ang pusa sa kariton na sinasakyan nito. (Tumalon ay ang salitang pandiwa habang ang pusa ay ang tagaganap.)
  • Tinalon ni Christian ang mahabang pader para masilayan ang minamahal na dalaga. (Tinalon ay ang salitang pandiwa habang si Christian ay ang tagaganap.)
  • Hiniwalayan ni Mary ang kanyang pinakamamahal na kasintahan. (Hiniwalayan ay ang salitang pandiwa habang si Mary ay ang tagaganap.)

Pandiwa bilang Karanasan

Ang pandiwa bilang karanasan naman ay kadalasang naipapahayag kapag may damdamin ang pangungusap. Dahil dito, may nakakaranas ng damdamin na inihuhudyat ng pandiwa.

Maaring magpahayag ang pandiwa ng karanasan o damdamin at emosyon. Sa ganitong sitwasyon may tagaranas ng damdamin o saloobin. Ang mga salitang ito ang nagsisilbing pandiwa ng isang pangungusap.

Mga Halimbawa:

  • Dahil sa malakas na hagupit ng bagyong Odette sa Central Visayas, marami sa mga tao dito ay napilitan ng lumikas sa ibang lugar. (Ang pandiwa na ginamit ay lumikas at ang aktor ay ang mga tao.)
  • Nalungkot ang lahat nang mabalitaan ang masamang pangyayari sa Luzon. (Ang pandiwa na ginamit ay nalungkot at ang aktor ay ang lahat.)
  • Naghihinagpis si Joseph sa pagkawala ng kanyang pinakamamahal na alagang aso. (Ang pandiwa na ginamit ay naghihinagpis at ang aktor ay si Joseph.)
  • Umiyak si Jherico matapos siyang iwan ng kanyang kasintahan. (Ang pandiwa na ginamit ay umiyak at ang aktor ay si Jherico.)
  • Nagalak ang mga mag-aaral sa lahat ng antas dahil sa pagsususpende ng klase bungsod ng covid 19 noong nakaraang Lunes at Martes. (Ang karanasang pandiwa na ginamit ay nagalak, at ang aktor o tagaganapa ay ang mga mag-aaral.)
  • Ang aming alaga na si Palgas ay naglalambing sa akin dahil gusto niyang lumabas ng bahay. (Ang karanasang pandiwa na ginamit ay naglalambing, at ang tagaganap ay ang aso na si Palgas.)

Pandiwa bilang Pangyayari

 Ang pandiwa bilang pangyayari ay ginagamit upang matukoy ang isang pandiwa ayon sa resulta ng isang pangyayari o kaganapan na nakapaloob sa isang pangungusap.

Sinasalamin at inilalarawan ng mga pandiwang ito na sa bawat aksyon na nangyayari ay may kaakibat na reaksyon na maaring mangyari. Sa madaling salita, ang pandiwang ito ay ang resulta ng isang pangyayari.

Mga Halimbawa:

  • Tumawid ang matandang babae sa maling tawiran kaya siya ay nahagip ng mabilis na sasakyan. (Ang pandiwa na ginamit ay tumawid at ang pangyayari ay nahagip.)
  • Dahil sa malakas na hagupit ng bagyong Odette sa iba’t – ibang parte ng Visayas at mindanao, marami sa nga tao dito ay napilitan ng lumikas sa ibang lugar. (Ang pandiwa na ginamit ay lumikas at ang pangyayari ay pag hagupit.)
  • Nahulog sa puno si Brendo dahil sa malakas na pagyanig ng lindol. (Ang pandiwa na ginamit ay nahulog at ang pangyayari ay ang pagyanig.)

Ngayong alam mo na ang iba’t ibang gamit ng pandiwa bilang aksyon, karanasan at pangyayari, simulan na nating pag-aral ang pokus ng pandiwa at ang mga halimbawa nito.

Pokus ng Pandiwa at mga Halimbawa

Ang pokus ng pandiwa ay tawag sa relasyon ng pandiwa sa paksa o simuno ng pangungusap. Ito ay naipapakita sa pamamagitan ng taglay na panlapi ng pandiwa. Sa pagbabago ng panlapi ng pandiwa, nagbabago rin ang Pokus ng Pandiwa ng pangungusap ayun sa pandiwang ginagamit.

Ang Pokus ng Pandiwa ay may pitong (7) pokus:

  1. Aktor-Pokus (Pokus sa tagaganap)
  2. Pokus sa Layon
  3. Lokatibong Pokus (Pokus sa Kaganapan)
  4. Benepaktibong Pokus (Pokus sa tagatanggap)
  5. Instrumentong Pokus (Pokus sa Gamit)
  6. Kosatibong Pokus (Pokus sa Sanhi)
  7. Pokus sa Direksyon

Aktor-Pokus (Pokus sa tagaganap)

Ang Pandiwa ng Aktor-Pokus ay nasa pokus ng tagaganap kapag ang paksa ng pangungusap ang tagaganap ng kilos na isinasaad sa paksa. Sa Aktor-Pokus na pandiwa, ang paksa o simuno ang gumaganap ng kilos sa pangungusap. Sa pokus na ito, sinasagot nito ang tanong na “sino?”.

Ginagamitan ito ng mga panlaping mag, um, mang, maka, ma, makapag, maki, o magpa.

Mga Halimbawa:

  • Maglilinis ng bahay si Cassandra dahil may dadating na bisita ngayong linggo.
  • Magbebenta si Lorane ng maja blanca sa eskwelahan.
  • Umalis ng bahay si Tatay Emilio para bumili ng pagkain para sa hapunan.
  • Bumili si Khyle ng kagamitan para sa kanyang proyekto sa paaralan.
  • Manonod kami ng teleserye ni Mysie mamaya.

Pokus sa Layon

Ang pokus ng pandiwang ito ay kung ang layon ay ang paksa o ang binibigyan diin sa sa pangungusap. Sa madaling salita, ang paksa ang layon ng pandiwa sa pangungusap. Sumasagot ito sa tanong na “ano?”.

Ginagamitan ito ng mga panlaping in, i, ipa, ma, na, o an.

Mga Halimbawa:

  • Inuwi ni John ang natirang pagkain galing sa piesta.
  • Huwag mong kalimutan ipakain ang panghimagas na nasa pridyeder.
  • Ibigay mo nalang ang bayad sa aking kapatid.
  • Lutuin mo ang natitirang karne sa ref.
  • Inabot ni Tina ang libro sa itaas ng cabinet.

Lokatibong Pokus (Pokus sa Kaganapan)

Sa pokus ng pandiwang ito, ang paksa o simuno ng pangungusap ay ang pinangyarihan ng kilos. Sa madaling salita, ang pandiwa ay nasa pokus sa ganapan kung ang paksa ay ang lugar o ganapan ng kilos.  Sinasagot nito ang tanong na “saan?”

Karaniwang panlapi na ginagamit dito ay pag/ an, an/ han, ma/ an, pang/ an, mapag/ an, pinag/ an, o in/ an.

Mga Halimbawa:

  • Malayo ang ospital na pinagdalhan sa naaksidente.
  • Iyon ang plaza na pagdarausan ng kasal nila.
  • Sa ilog naganap ang paglaban ni Datu Kadeo kay Sultan Barak.
  • Marahan niyang inihatid si Bella sa kwarto para ito’y makatulog nang mahimbing.
  • Iniwan ni Christian ang kanyang kapatid na nag-iisa sa bahay.
  • Sa labas ng unibersidad, pinagprotestahan ng mga kabataan ang kanilang mga karapatan.

Benepaktibong Pokus (Pokus sa Tagatanggap)

Ginagamit ang pokus sa tagatanggap kung ang pinaglaanan ng kilos ang siyang pokus sa pangungusap. Ito rin ay tumutuon sa tao o bagay na nakikinabang sa resulta ng kilos na isinasaad ng pandiwa.  Ang simuno o paksa ang tumatanggap sa kilos ng pandiwa sa pangungusap. Sinasagot nito ang tanong na “para kanino?”

Karaniwang ginagamitan ito ng mga panlaping i, in, ipang, o ipag.

Mga Halimbawa:

  • Ipinagdiwang nila ang kaarawan ni Rita.
  • Ibinili ni Samuel ng bibingka ang kanyang pinakamamahal na ina.
  • Inihain ni Ryan ang lechon baboy para sa graduation ni Kyla.
  • Maaga akong umuwi para ipaghain ng pagkain si tatay.
  • Kami ang ipinagluto ni Sebastian ng masarap na umagahan.

Instrumentong Pokus (Pokus sa Gamit)

Sa pokus na ito ang paksa ng pangungusap ay ginagamit na kasangkapan sa pagsasagawa ng aksiyon. Sa madaling salita, ito ay tumutukoy sa bagay na ginagamit upang maisagawa ang kilos o pandiwa na siyang paksa ng pangungusap. Sumasagot ito sa tanong na “sa pamamagitan ng ano?”

Karaniwang ginagamitan ito ng mga panlaping ipang o maipang.

Mga Halimbawa:

  • Ipinanghampas ng matanda sa mga makukulit na bata ang mahabang stick.
  • Posporo ang ipinansindi ni Anna sa kahoy na gagamitin sa pagluluto.
  • Ipinanghiwa ni Patrick sa karne ang bagong kutsilyo.
  • Ipinampalo ni tatay sa aking bunsong kapatid ang belt na hawak nya.
  • Ipinahid ni Senyang ang lumang panyo sa kanyang sugat.

Kosatibong Pokus (Pokus sa Sanhi)

Sa pokus na ito ang paksa ng pangungusap ay ang sanhi o dahilan ng aksyon. Ang pandiwa ay nakapokus sa sanhi kung ang paksa ay nagpapahayag ng dahilan o sanhi ng kilos. Kadalasang sinasagot nito ang katanungan na “bakit?”.

Karaniwang ginagamitan ito ng mga panlaping i, ika, o ikina.

Mga Halimbawa:

  • Ikinalungkot ng buong pamilya ang pagkatalo ni Lysa sa sinalihang paligsahan.
  • Ikinatuwa ni nanay ang natanggap na balita tungkol sa aking pagpasa ng scholarship sa isang malaking unibersidad.
  • Iniyakan ni Silya ang pagkamatay ng pinakamamahal niyang aso.
  • Matigas ang ulo ni Pedro kaya siya iniwan ng kanyang ina sa bahay.
  • Ikagagalak ng kanyang ina kung makapagtatapos ng pag-aaral si Lindo.

Pokus sa Direksyon

Sa pokus na ito, pinagtutuunan ng pandiwa ang direksyon o tinutongo ng kilos. Ang simuno o paksa ang nagsasaad ng direksyon ng kilos ng pandiwa sa pangungusap. Sumasagot ito sa tanong na “tungo saan o kanino?”

Karaniwang ginagamitan ito ng mga panlaping an, han, in, o hin.

Mga Halimbawa:

  • Pinuntahan ni Bryan ang hospital kung saan naconfine ang kanyang kasintahan.
  • Sinulatan ni Cheska ng liham ang kanyang ina na nasa abroad.
  • Tinulungan ni Sam buhatin ang mga libro ni Patricia papuntang silid aklatan.
  • Pinasyalan namin ni Karen ang parke.
  • Pinunasan ko ang kalat sa lamesa.

Ngayong alam na natin ang pitong uri ng Pokus sa pandiwa, dumako na tayo sa susunod na parte ng pandiwa at ito ay ang mga kaganapan ng pandiwa.

Ano ang Kaganapan ng Pandiwa?

Ang kaganapan ng pandiwa ay ang relasyon ng pandiwa sa panaguri ng pangungusap. Isang paraan upang maipakita ang maliwanag na ugnayan ng simuno at panguri ay ang paggamit nito. Ang kaganapan ng pandiwa ay bahagi ng panaguri na nagbibigay ng ganap na kahulugan ng pandiwa.                                          

PAGBABALIK ARAL!

Sa hindi pa alam kung ano ang panaguri, ang panguri ay ang bahagi ng pangungusap na nagsasaad ng detalye tungkol sa simuno.

May pitong (7) Kaganapan ng Pandiwa:

  1. Kaganapang tagaganap
  2. Kaganapang layon
  3. Kaganapang tagatanggap
  4. Kaganapang ganap
  5. Kaganapang kagamitan
  6. Kaganapang direksyunal
  7. Kaganapang sanhi

Kaganapang Tagaganap

Ito ang bahagi ng panaguri na gumaganap ng kilos na isinasaad ng pandiwa. Ang pananda na ginagamit dito ay ni at ng.

Mga Halimbawa:

  • Ikinatuwa ng mga taga Cebu ang pagkapanalo ni Nicole Borromeo sa Binibining Pilipinas 2022.
  • Kinakain ni Meranda ang champorado na luto ng kanyang ama.
  • Ikinalungkot ng buong pamilya ang pagtatapos ng ang probinsyano.
  • Pinuntahan ni Paul ang magandang dilag.
  • Kinausap ni tatay ang matandang pulubi.

Kaganapang Layon

Ito ang bahagi ng panaguri na nagsasaad kung ano ang bagay o mga bagay na tinutukoy ng pandiwa. Karaniwang ginagamit dito ang panandang ng.

Mga Halimbawa:

  • Tumanggap ng parangal sa unibersidad ang aking kapatid.
  • Namigay ng pera sa kalya si Manny Pacquiao.
  • Si Jasmine ay bibili ng bagong cellphone ngayong lunes.
  • Kumain ng hipon na may kasamang mais si anna.
  • Nagbigay ng pagkain si mayor sa mga pulubi.

Kaganapang Tagatanggap

Bahagi ito ng panaguri na nagpapahayag kung sino ang tumatanggap ng kilos ng pandiwa. Kalimitan ditong ginagamit ang panandang para sa o para kay.

Mga Halimbawa:

  • Nagbigay ng donasyon ang ABS CBN para sa mga nasalanta ng malakas na lindol sa luzon.
  • Nagbuwis ng buhay si Jose Rizal para sa mga Pilipino.
  • Inalay ng mga sundalo ang kanilang buhay para sa kalayan ng mga Pilipino.
  • Nagbenta ng kakanin si Nanay para sa aming pag-aaral.
  • Kumanta si Jeff para sa kanyang minamahal na kasintahan.

Kaganapang Ganapan

Bahagi ito ng panaguri na nagsasaad ng lugar o pook na ginaganapan ng kilos ng pandiwa. Karaniwang ginagamit na panandang sa.

Mga Halimbawa:

  • Nagpunta kami ni lara sa Mall.
  • Binisita namin si Kara sa Cebu.
  • Maraming dayuhan ang pumunta sa Baguio.
  • Namasyal sina Joseph at ang kanyang pamilya sa Parke.
  • Naligo sa ilog ang pamilya ni Ella.

Kaganapang Kagamitan

Nagsasaad ang bahaging ito ng panaguri ng bagay o instrumentong ginagamit upang maisagawa ang kilos ng pandiwa. Ginagamitan ito ng panandang sa pamamagitan ng.

Mga Halimbawa:

  • Nilinis niya ang mga kalat sa pamamagitan ng walis.
  • Inabot niya ang manga sa puno sa pamamagitan ng sungkit.
  • Nakuha ni Daniela ang nakasabit na tsinelas sa pamamagitan ng bato.
  • Iniligtas ni Franko ang nalulunod na bata sa pamamagitan ng salbabida.
  • Sa pamamagitan ng posposo, napailaw ni Anna ang kandila.

Kaganapang Direksyunal

Bahagi ito ng panaguri na nagtuturo sa direksyon ng kilos na taglay ng pandiwa. Karaniwang ginagamit na pananda ang pang-ukol na sa.

Mga Halimbawa:

  • Ang telepono ni Jan ay naiwan sa loob ng sasakyan.
  • Nahulog ni Kyla ang panyo sa kalsada.
  • Para sa mga bata sa kalye ang pagkain na niluto ni nanay.
  • Pupunta si Petra sa Baguio bukas.
  • Naglinis kami sa plaza.

Kaganapang Sanhi

Ang bahaging ito ng panaguri ay nagsasaad ng dahilan ng pagkakaganap ng kilos ng pandiwa. Ginagamit na pananda ang pariralang dahil sa.

Mga Halimbawa:

  • Napaiyak si Jose dahil sa matinding kasiyahan.
  • Nagtagumpay si Via dahil sa kasipagan at diskarte niya sa buhay.
  • Hindi makapaniwala si Alex na tumalon si Barbie dahil sa palaka.
  • Naligo ng buong araw si Lloyd dahil sa init ng panahon.
  • Tumakbo nang mabilis si Miguel dahil sa nakalimutan niya ang sinaing.

Ngayong alam na natin ang pitong kaganapan ng pandiwa, dumako na tayo sa susunod na parte ng pandiwa at ito ay ang mga Aspekto ng pandiwa.

Ano ang Aspekto ng Pandiwa?

Ang aspekto ng pandiwa ay nagpapahayag kung kailan naganap o nangyari ang isang kilos o galaw. Inilalarawan nito kung ang kilos ay naganap na, magaganap pa lamang o kung ipagpapatuloy pa ang kilos na kasalukuyang ginagawa.

May apat (4) na aspekto ang pandiwa:

  1. Aspektong Naganap o Perpektibo
  2. Aspektong Imperpektibo o Pangkasalukuyan
  3. Kontemplatibo (Magaganap o Panghinaharap)
  4. Perpektibong Katatapos (Kagaganap)

Aspektong Naganap o Perpektibo

Ang aspekto na ito ay nagsasaad ng isang kilos na kung saan na ito ay tapos na, o naganap na. Ito ay tinatawag din na panahunang pangnagdaan na aspekto ng pandiwa o aspektong katatapos.

Kadalasan itong ginagamitan ng mga salitang kahapon, kanina, noong isang taon, nakaraan at iba pa. Ginagamitan din ito ng mga panlaping na, nag, um, at in.

Mga Halimbawa:

  • Inayos ko na noong nakaraang araw ang mga dadalhin ng kapatid ko para sa kanilang camping.
  • Nakaalis na ang aking tatay papunta sa kanyang trabaho.
  • Kumain ako kahapon ng Hawaiian Pizza sa isang sikat na restaurant.
  • Noong 2005 ipinanganak ang aking kapatid na si Jamilla.
  • Dumating kanina ang aking pinsan galing Korea.

Aspektong Imperpektibo o Pangkasalukuyan

Ang aspekto na ito ay naglalarawan ng isang kilos na laging ginagawa o kasalukuyang nagaganap. Ito ay pandiwa na nasa panahunang pangkasalukuyan o aspektong nagaganap. Ito ay ginagamitan ng mga salita na habang, kasalukuyan, at ngayon.

Ang kilos o galaw ay kasalukuyang ginagawa, ginaganap o nangyayari. Ito ay ginagamitan ng mga panlaping na, nag, um, at in.

Mga Halimbawa:

  • Mamaya na tayo mag-usap dahil nagmamaneho ako ngayon ng kotse sa CCLEX.
  • Naglilinis ng kwarto si Jasmine para paghandaan ang pagdating ng kanyang ina.
  • Maganda ang bungad ng panahon ngayon, kaya ako ay lalabas at mamamasyal.
  • Wala si tatay nang ako dumating sa bahay. Ayon kay nanay siya raw ay namamalengke.
  • Iluluto ko ang paboritong pagkain ni tatay bilang pasasalamat sa mga nagawa niya para sa aming pamilya.

Kontemplatibo (Magaganap o Panghinaharap)

Ito ay uri ng pandiwa na nagsasaad na ang kilos o galaw ay hindi pa nagagawa o nangyari. Ito ay plano pa lamang na gawin. Tinatawag itong pandiwa ng panahunang panghinaharap o aspektong magaganap pa lamang. Ito ay ginagamit ng mga salitang tumutukoy sa panahon na darating pa lamang. Halimbawa ng mga salitang ginagamit bago ang pandiwang ito ay sa susunod, bukas, sa makalawa, pagdating ng panahon, balang araw at iba pa.

Ginagamitan ito ng mga panlaping ma at mag.

Mga Halimbawa:

  • Sa darating na linggo, walang makakapigil sakin lumangoy buong araw sa swimming pool.
  • Kapag dumami na ang miyembro ng ating klase, seseryosohin na nila ang pag-aaral natin.
  • Pagkatapos ko sa pag aaral ay makakabili rin ako ng mga bagay na gusto ko balang araw.
  • Sa aking kaarawan ay magluluto si Nanay ng adobo at nilagang baboy.
  • Kapag maganda ang sikat ng araw bukas ay susubukan kong magjogging.

Perpektibong Katatapos (Kagaganap)

Ang aspektong ito ng pandiwa ay nagsasaad ng kilos na sandali lamang pagkatapos ito ginawa. Nabubuo ito sa pamamagitan ng paggamit ng unlaping ka at pag-uulit ng unang katinig-patinig o patinig ng salitang ugat.

Mga Halimbawa:

  • Kalalabas ko lang ng mga libro galing sa silid aklatan.
  • Kakanood ko lang ng bagong teleserye sa Netflix.
  • Kabibili ko lang ng sapatos sa mall.
  • Kakapanganak lang ng kaibigan kong si Maja.
  • Katatapos lang iligpit ni Moira ang kalat sa kusina.

Tapos na tayong talakayin ang Apat na aspekto ng pandiwa. Ngayon ay pag-aralan naman natin kung ano ang dalawang uri ng pandiwa at tinig ng pandiwa bago mo tapusin ang artikulong ito.

Mga Uri ng Pandiwa

May dalawang uri ng pandiwa ang Palipat at katawanin. Alamin kung anong pagkakaiba ng mga ito sa bawat isa at mga halimbawa nito.

Palipat

Ang pandiwang palipat ay hindi ganap o buo at nangangailangan ng tagatanggap ng kilos na tinatawag na tuwirang layon.

Kailan nagiging palipat ang pandiwa?

Kapag ang pandiwa ay may tuwirang layon na tumatanggap ng kilos. Ang mga salitang ng, mga, kay at kina ang kadalasang tuwirang panlayon na ginagamit sa ganitong uri ng pandiwa.

Mga Halimbawa:

  • Nagsabit ng babala sa harap ng kanyang kotse si Analiza. (Ang pandiwa ay nagsabit habang ang tuwirang layon naman ay ang babala).
  • Sinulat ni Mary ang mga napag-usapan sa pulong. (Ang palipat na pandiwa ay sinulat at ang mga salitang sinulat ni Mary ang tinutukoy ng pandiwa.)
  • Papunta kina Aling Ading ang kolektor ng buwis. (Ang palipat na pandiwa ay papunta at ang mga salitang kina Aling Ading ang tinutukoy ng pandiwa.)

Katawanin

Kailan nagiging katawanin ang pandiwa? Kabaliktaran ng palipat ang katawanin. Ang pandiwang ito ay walang tuwirang layon na tumatanggap nito. Ang pandiwa ay ganap o buo na ang diwang ipinahahayag sa ganang sarili.

Mga Halimbawa:

Pandiwang naglalahad lamang ng kilos, gawain, o isang pangyayari

  • Nabuhay si Jesus.
  • Si Christian ay ikinasal kay Maikha.
  • Mga pandiwang likas na walang simuno
  • Umuulan!
  • Bumabaha!      

Mga Tinig ng Pandiwa

Ang tinig ay isang pag-aari ng pandiwa na nagpapakilala kung simuno ang siyang gumaganap o bagay na ginaganap.

Dalawang Uri ng Tinig ng Pandiwa

Tahasan

Tinatawag itong tahasan kung ang simuno ay siyang tagaganap ng pandiwa. Ang pandiwang nasa tinig na ito ay karaniwang may isang tagatanggap ng kilos o galaw na tintatawag na tuwirang layon.

Ang mga um, mag, mang, magpa, maki, at iba pa, ay karaniwang ginagamit sa tinig na tukuyan.

Ma Halimbawa:

  • Sinulat ni Bun Lakuza ang kwento ng mga bulak.
  • Si Ana ang nagluto ng aming pananghalian.
  • Si Jericho Silvers ang may akda ng paborito kong libro.
  • Si Jed Madela ay umawit sa ASAP kanina.
  • Pumunta si kuya sa mall para mamili ng mga gamit sa paaralan.

Balintiyak

Ito ang kasalungat ng aspektong tahasan kung saan ang simuno ay hindi gumaganap ng kilos o galaw. Kapag ang salitang tagaganap ng kilos o galaw ng pandiwa ay hindi ginagamit na simuno at ang nasabing tagagaganap ay nasa hulihan ng pandiwa.

Ang karaniwang pinaggamitan ng pandiwang nasa tinig na balintiyak ay ang pangungusap na ang dating tuwirang layon ay ang ginagamit na simuno.

Mga Halimbawa:

  • Maayos kong ginawa ang proyekto ko sa paaralan.
  • Ang magandang dokumentaryo sa telebisyon ay gawa ni Atom Araullo.
  • Ibinato ni tatay ang unan sa akin.
  • Gumawa ng magandang komposisyon ng awit si ate Moira.
  • Masarap ang nilutong pagkain ni Aling Maris.

Buod sa Aralin Tungkol sa Pandiwa

Bilang isang pagbabalik aral sa ating sinimulan, ano nga ang pandiwa?     

Ang pandiwa ay parte ng pananalita o wika na nagsasaad ng kilos, aksyon, o galaw ng isang tao, bagay o hayop. Ang mga salitang pandiwa ang siyang nagbibigay kahulugan o buhay sa loob ng isang pangungusap.

Mahalagang pag-aralan natin ang pandiwa dahil dito niyo malalaman kung paano gamitin ang mga uri at iba’t ibang pokus na maaaring makatulong sa inyong pag-aaral at kung paano gumawa ng pangungusap. Lagi niyong tatandaan at isaisip na ang pandiwa ay makakatulong sa paggawa ng kahit anong uri pangungusap gamit ang mga parte ng pandiwa na tinalakay natin sa artikulong ito.

Nawa’y lahat ng impormasyon dito sa artikulong ito ay makatulong sa inyo upang malinawan kayo kung ano talaga ang gamit ng pandiwa. Sana marami kayong natutunan ngayo at sa muli maraming salamat sa pagbabasa nito.

Basahin ang iba pang aralin: Pangngalan, Pang-uri, Panghalip, Tayutay, Pang-abay, Ng at Nang, Pangatnig, Sanaysay, Epiko, Tagalog Pick Up Lines, Tula Tungkol sa Pag-ibig, Ng at Nang