Ano ang Pangngalan? Uri at mga Halimbawa

Ano ang Pangngalan Meaning Uri at mga Halimbawa

Pangngalan, isang salita na lagi nating naririnig sa wikang Filipino. Ano nga ba ito?

At bakit madalas natin itong naririnig? Sabay-sabay nating alamin ang kahulugan, uri, kayarian, kailanan, kasarian, kaukulan, gamit, at mga halimbawa nito.

Ano ang Pangngalan (Meaning)?

Ang pangngalan ay salita o isang bahagi ng pangungusap na tumutukoy sa ngalan ng tao, bagay, hayop, lugar o pook at pangyayari. Ito rin ay maaring nagpapakilala ng isang kaisipan o konsepto.

Ito ay tinatawag na noun sa wikang Ingles.

Ito ay bahagi ng pananalita na maaaring makita sa unahan, gitna, or dulo ng pangungusap. Mayroon itong dalawang (2) uri.

Tara at kilalanin natin ang mga ito at ang iba pang dapat mong malaman tungkol sa pangngalan.

Mga Uri ng Pangngalan

Ang dalawang uri ng pangngalan ay pangngalang pantangi (proper noun) at pangngalang pambalana (common noun).

Pantangi

Ang pangngalang pantangi o proper noun sa Ingles ay tumutukoy sa tiyak na pangalan ng tao, bagay, pook, hayop, lugar, pangyayari, o kathang-isip na ibinubukod sa kauri nito. Ito ay nagsisimula sa malaking titik.

Tinitiyak nito na hindi maipagkamali ang tinutukoy na pangngalan sa iba.

Halimbawa ng Pangngalang Pantangi

Narito ang mga halimbawa ng pangngalang pantangi:

  1. Si Agnes ay may dalawang tuta na binili nya sa Pawrent Pet Store.
  2. Kumuha si Robert ng apat na garapon ng Strawberry Jam mula sa kanilang palamigan.
  3. Kinain ni Bantay, na aso ni Maria, ang kanilang ulam sa lamesa.
  4. Ang World War II ay isa sa mga makasaysayang pangyayari, di lamang sa Pilipinas, kundi sa buong mundo.
  5. Ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ay ilan lamang sa mga sikat na libro na isinulat ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.
  6. Si Juan Luna, na isang tanyag na pintor, ang gumawa ng Spoliarium.

Pambalana

Ang pangngalang pambalana o common noun sa Ingles ay ang pangngalan na ginagamit sa pagtukoy sa pangkalahatang ngalan ng tao, hayop, bagay, pook o lugar, pangyayari, at iba pa.

Hindi gaya ng pangngalang pantangi, ang pangngalang pambalana ay nagsisimula laman sa maliit na titik. Ito ay may dalawang (2) uri.

Mga Uri ng Pambalana

Konkreto

Ang konkretong pambalana ay ang mga pangngalan na nakikita, nahahawakan, nalalasahan at iba pang nagagamitan ng pandama. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa halimbawa ng mga pangungusap na may konkretong pambalana.

  1. Si Maricris ay mahilig kumain ng iba’t-ibang gulay at prutas.
  2. Kumuha siya ng halaman para sa kanyang hardin.
  3. Ang kanyang yaya kay labinlimang taong nang naninilbihan sa kanila.
  4. Sa parke daw makikita ang rebulto ng ating pambansang bayani.
  5. Nag-iisang anak na lalaki ang kanyang pamangkin kaya’t nasa kanya ang lahat ng atensyon.
Di-Konkreto

Ang di-konkretong pambalana naman ay ang mga pangngalan na hindi nahahawakan, nakikita, o nahihipo, at nararamdaman lamang. Ito ay tumutukoy sa kalagayan o kondisyon.

Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa halimbawa ng mga pangungusap na may di-konkretong pambalana.

  1. Isang pandemya na naman ang pume-perwisyo sa atin.
  2. Ang gyera sa Ukraine at Russia ay labis na nakaka-apekto sa ating mundo.
  3. Makulimlim na naman ang panahon kaya hindi na naman ako makakapaglaba.
  4. Labis ang kanyang kasiyahan noong nakita niyang muli ang kanyang mga alaga.
  5. Gutom ang kanyang inabot dahil tanghali na siya nagising.

Kayarian ng Pangngalan

Ang pangngalan ay may apat (4) na kayarian o anyo. Ito ay payak, maylapi, inuulit at tamblan. Halina’t tuklasin natin ang mga ito.

Payak

Ito ang pangngalan na binubuo ng salitang-ugat laman at hindi nilalagyan o ginagamitan ng panlapi. Ang mga sumusunod ay mga pangungusap na may payak na pangngalan.

  1. Ang bunga ng kanilang mangga ay matamis.
  2. Sa panahon ngayon, mas mabuti yung malusog tayo.
  3. Ilang taon na din ang nakalipas simula noong nangyari ang kanilang away.
  4. Ang mga mata niya ay nanliliksik sa galit.
  5. Muntik ng makawala ang kanilang ibon noong napabayaan nila ang hawla nito.

Maylapi

Ito ay pangngalan na binubuo rin ng salitang-ugat ngunit may panlapi na madalas makikita sa unahan, gitna, at hulihan ng salita.

Ang mga sumusunod ay mga pangungusap na may pangngalang maylapi.

  1. Isang makamandag na ahas ang gumulat sa kanya noong naglalakad siya pauwi.
  2. Pagtitinda ng gulay at isda ang kabuhayan ng mga residente sa kanilang lugar.
  3. Pauwi na siya noong nakasalamuha niya ang kanilang kapitbahay.
  4. Dapat na pagtuonan ng pansin ang edukasyon ng ating mga kabataan.
  5. Makikita mo ang kanyang kasiyahan noong sinurpresa siya ng kanyang mga anak.

Inuulit

Ito ay binubuo sa pamamagitan ng pag-uulit ng isang salitang-ugat (na mayroon o walang dagdag na panlapi) o ng unang dalawang pantig ng salitang-ugat.

Ang sumusunod ay halimbawa ng mga pangungusap na may inuulit na pangngalan.

  1. Gabi-gabi silang naglalaro ng basketball sa kanilang bakuran.
  2. Ang sabi-sabi raw ay may kasal na siya noong isang taon pa.ng sabi-sabi raw ay may kasal na siya noong isang taon pa.
  3. Araw-araw siya namimitas ng mga bulaklak sa kaniyang hardin.
  4. Pana-panahon talaga ang swerte sa ating buhay.
  5. Bali-balita sa amin na tumaas raw ang baha sa kabilang baryo.

Tambalan

Ito naman ang pangngalan na binubuo ng dalawang magkakaibang salita na pinagsama. Ang sumusunod ay halimbawa ng mga pangungusap na may pangngalang tambalan.

  1. Ang kanilang kapitbahay ay may nilulutong adobo.
  2. Agaw-eksina ang kanyang suot noong pumunta siya sa rally.
  3. Hatinggabi na siya nakauwi mula sa kanyang trabaho.
  4. Mahirap maglakad kung nakasunod ka sa isang lakad-pagong.
  5. Huwag niyo siyang biruin kasi siya ay isang balat-sibuyas.

Kailanan ng Pangngalan

Ang kailanan ng pangngalan ay tumutukoy kung ilan ang tinutukoy na pangngalan. Mayroon itong tatlong klase: isahan, dalawahan, at lansakan o maramihan.

  1. Isahan – ito ay mga salita o pangngalan na likas na nag-iisa lang ang bilang.
  2. Dalawahan – ito naman ay mga salita o pangngalan na may dalawang bilang o kadalasan na magka-pares.
  3. Maramihan o Lansakan – ito naman ay mga salita na may tatlo o higit pang bilang. Ito ay kadalasang may ka-grupo o nabibilang sa isang grupo.

Narito ang ilang halimbawa ng mga pangungusap na nagsasaad ng kailanan ng pangngalan.

  1. Ang kwaderno ni Matt ay ipinasa niya sa kanyang guro.
  2. Kumuha si Andrew ng niyog mula sa puno sa kanilang lupain.
  3. Sina Anthony at Karl ay sabay na nakarating sa finish line sa isang karera sa kanilang baryo.
  4. Ang magkaklase na sina Lexi at Nicole ay parehong nakakuha ng pinakamataas na marka sa pagsusulit.
  5. Sumali sina Robert, Angel, at Jade sa grupo ng mga kabataan na naglalayong isulong ang kanilang karapatan sa wastong edukasyon.
  6. May kumuha sa tatlong bulig ng saging sa kanilang kapitbahay.

Kasarian ng Pangngalan

Ang kasarian ng pangngalana ay nagbibigay ng kasarian sa pangngalan na tinutukoy sa pangungusap. Mayroong apat (4) kasarian ang pangngalan. Patuloy na magbasa at sabay-sabay nating alamin ang mga ito.

  1. Panlalaki – ito ang pangngalan na tumutukoy o ginagamit sa mga lalaking tao o hayop.
  2. Pambabae – ito naman ang pangngalan na tumutukoy o ginagamit sa mga babaeng tao o hayop.
  3. Di Tiyak – ito naman ang pangngalan na tumutukoy o ginagamit sa mga pangngalan na hindi tiyak ang kasarian.
  4. Walang Kasarian – ito naman ang pangngalan na tumutukoy o ginagamit sa mga pangngalan na walang kasarian tulad ng bagay, pook o lugar, at pangyayari.

Basahin ang mga sumusunod na halimbawa upang mas lalo ninyong maintindihan ang kasarian ng pangngalan.

  1. Ang hari sa Thailand ang isa sa mga mayaman at makapangyarihan na tao sa buong mundo.
  2. Si Mang Tomas ang tatay ni Maria.
  3. Ang binibini na yun ang isa sa mga pinakamaganda sa barangay nila.
  4. Nakita niya ang mga litrato ng kanyang lola noon ito’y dalaga pa lang.
  5. Matalik na kaibigan ni Jose si Pedro kaya lagi silang magkasama.
  6. Isang mag-aaral ng Silliman University ang nakakuha sa pinakamataas na marka sa kakatapos lang na Nursing Board Exam.

Kaukulan ng Pangngalan

Mayroong tatlong kaukulan ang pangngalan. Ito ay ang palagyo, palayon at paari.

Palagyo

Sa kaukulang ito masasabi ng isang mambabasa kung ang pangngalan ay ginagamit bilang simuno ng pangungusap, pantawag, kaganapang pansimuno, o pangngalang simuno.

Upang mas lalo nating maiintindihan ang mga ito, narito ang kahulugan at mga halimbawang pangungusap na may palagyo na kaukulang pangngalan

Simuno ng Pangungusap

Ang pangngalan na pinag-uusapan ay makikita sa simula o bandang unahan ng pangungusap.

Halimbawa:

  • Si Michaela ang kumuha ng mga labahan sa sampayan noong biglang umulan sa kanila.

Pantawag

Ang pangngalan sa pangungusap ay ginagamit bilang pantawag sa taong tinutukoy.

Halimbawa:

  • Angel, ilang pirasong mansanas ang kinuha mo mula sa lamesa?

Kaganapang Pansimuno

Ito naman ang salitang nasa bahagi ng panag-uri at may kaugnayan sa simuno ng pangungusap.

Halimbawa:

  • Si Lexi ay isang mabait at matalinong bata.

Pangngalang Simuno

Ito ay ang pangngalan na nakaugnay sa simuno ng pangungusap.

Halimbawa:

  • Si Lexi, na isang mabait at matalinong bata, ay nakatanggap ng medalya sa kanilang paaralan.

Palayon

Ang pangngalang palayon ay ginagamit bilang layon ng pang-ukol at layon ng pandiwa.

Layon ng Pang-ukol

Ang pangngalan na ito ay pinaglalaanan ng salitang kilos na ginawa at sumusunod sa isang pang-ukol.

Halimbawa:

  • Ang prutas na pinitas niya ang para sa kanyang nanay.

Layon ng Pandiwa

Ito naman ang pangngalan na tumatanggap sa salitang kilos sa isang pangungusap.

Halimbawa:

  • Kumuha ng bulaklak si Anton para kay Maria.

Paari

Nagiging paari lamang ang isang pangngalan kung ang salitang sinundan nito ay isa ring pangngalan. Ito ay nagpapakita na ang pangalawang pangngalan ang siyang may-ari ng unang pangngalan.

Halimbawa:

  • Ang bahay nila Samantha ay muntik nang masira dahil sa malakas na hangin dala ng bagyo.

Katuturan ng Pangngalan

Tahas

Ito ay tiyakang tumutukoy sa pinangngalanan. Ang mga pangngalan na tinutukoy ay nararanasan ng isa sa mga limang pandamdam (paningin, pang-amoy, pandinig, panglasa, at pandamdam) at may pisikal na pandamdam.

Halimbawa:

  • Ang mga laruan ni Anton ay nagkalat sa kanilang sala.

Lansak

Ito ay pangngalang tumutukoy sa isang karamihan o kalipunan, maaring maylapi o wala.

Halimbawa:

  • Isang pangkat ng mag-aaral ang pumunta sa Baguio para sa kanilang field trip.

Basal

Ito ay pangngalang laging nasa anyong payak at tumutukoy sa mga kaisipan o konsepto ng hindi nararanasan ng limang pandamdam at walang pisikal na katangian.

Halimbawa:

  • Nasa isip lamang niya ang kanyang mga gagawin at hindi pa niya sinimulang gawin.

Hango

Ito ay nakabatay o nakabase sa isang salitang basal o hango sa dayuhang salita.

Halimbawa:

  • Isang palaisipan pa rin hanggang ngayon kung ano ang tunay na nangyari sa kanyang nawawalang kapatid.

Patalinghaga

Ito ay pangngalan na di-tuwirang tumutukoy sa pinag-uukulan ng salita kundi sa katulad o halimbawa nito.

Halimbawa:

  • Ang ilaw sa kanilang kinabukasan ay ang kanilang mga guro.

Mga Gamit ng Pangngalan

Ang pangngalan ay ginanagamit sa pangungusap bilang simuno, pantawag, pamuno, kaganapang pansimuno, layon ng pandiwa at layon ng pang-ukol.

Simuno

Ginagamit laman ang pangngalan bilang simuno kung ang pangngalan na tinutukoy ay paksa sa pangungusap.

Halimbawa:

  • Ang aso ni Geraldine ay isang Shih Tzu.

Pantawag

Ito ay nangyayari kung ang pangngalan ay tinatawag o binabanggit sa pangungusap.

Halimbawa:

  • Angel, kailan ka pala pupunta ng bayan?

Pamuno

Tinatawag lamang itong pangngalang pamuno kung iisa lamang ang simuno at isa lang ang pangngalang parte ng paksa.

Halimbawa:

  • Ang Calachuchi, na isang mabangong bulaklak, ay madalas makikita sa mga beach resorts.

Kaganapang Pansimuno

Tinatawag laman itong kaganapang pansimuno kung iisa lamang ang simuno at isa pang pangngalang parte ng panaguri.

Halimbawa:

  • Ang Victoria Secret ay isang sikat na tatak sa buong mundo.

Layon ng Pandiwa

Tinatawag din itong tuwirang layon. Ito ay pangngalang tumatanggap ng kilos.

Halimbawa:

  • Nagluluto siya ng champorado dahil angkop itong kainin sa malamig na panahon.

Layon ng Pang-ukol

Ito ay ang pangngalan na kasunod ng pang-ukol at kinukumpleto nito ang kahulugan ng pang-ukol.

Halimbawa:

  • Tungkol sa Pangngalan ang artikulo na ito.

Anu-Ano ang mga Natutunan Natin Tungkol sa Pangngalan

Ngayon na alam na natin ang mga dapat nating matutunan tungkol sa pangngalan, sana ay nailagay na ito sa ating mga isipan. Sabay-sabay nating ibuod ang ating mga natutunan upang mas maiintindihan natin ang paksa na ating binasa.

Ang pangngalan ay salita o isang bahagi ng pangungusap na tumutukoy sa ngalan ng tao, bagay, hayop, lugar o pook, pangyayari, o nagpapakilala sa isang kaisipan o konsepto. Mayroon itong dalawang uri.

Ang dalawang uri ng pangngalan ay pangngalang pantangi at pangngalang pambalana. Ang pangngalang pantangi o proper noun sa Ingles ay tinitiyak na hindi maipagkamali ang tinutukoy na pangngalan sa iba habang ang pangngalang pambalana ay ang pangngalan na ginagamit sa pagtukoy sa pangkalahatang ngalan ng tao, hayop, bagay, pook o lugar, pangyayari, at iba pa.

Mayroong dalawang uri ang pangngalang pambalana, konkreto at d-konkreto. Ang konkretong pambalana ay ang mga pangngalan na nadadama ng limang pandamdam habang ang di-konkretong pambalana ay hindi nahahawakan, nakikita, o nahihipo, at nararamdaman lamang.

Mayroon namang apat na kayarian ang pangngalan. Ito ay ang mga sumusunod: payak, maylapi, inuulit, at tambalan.

Tatlo naman ang kailanan ng pangngalan. Ito ay ang isahan, dalawahan, o maramihan.

Mayroong apat na klase ng kasarian ang pangalan. Ito ay ang panglalaki, pambabae, di-tiyak, at walang kasarian.

May tatlong kaukulan ang pangngalan. Ito ay ang palagyo, palayon, at paari.

Lima naman ang katuturan ng pangngalan. Ito ay ang tahas, lansak, basal, hango, at patalinghaga.

At ang huli, mayroong anim na gamit ang pangngalan. Ito ay ang simuno, pantawag, pamuno, kaganapang pansimuno, layon ng pandiwa, layon ng pang-ukol.

Naubod na natin ang mga paksa na tinalakay natin sa artikulong ito. Sana ay marami kayong natutunan. Hanggang sa muli.

Basahin ang iba pang mga aralin: Pangatnig, Pandiwa, Pangngalan, Panghalip, Pang-uri, Nang at Nang, Epiko, Bahagi ng Pananalita, Tayutay