Ano ang Pang-uri? Kahulugan, Kaantasan at mga Halimbawa

Sa araw na ito samahan mo ako at talakayin natin kung ano ang kahulugan, halimbawa, uri, kaantasan at kung kailan dapat gamitin ang pang-uri. Ang artikulong ito ay naglalaman ng iba’t ibang uri ng kaalaman na maaari mong magamit sa iyong mga aralin, at proyekto na may kaugnay sa ating tatalakayin ngayon.

Pero bago tayo magsimula, alamin muna natin kung ano ang mga layunin sa aralin natin tungkol sa pang-uri.

Mga Layunin sa Aralin Tungkol sa Pang-uri

Pagkatapos mong basahin ang artikulong ito, ay:

  1. Matutunan mo ang kahulugan ng Pang-uri.
  2. Malalaman mo ang mga uri ng pang-uri at makapagbibigay ka rin ng mga halimbawa nito.
  3. Matutunan mo ang kaantasan ang kayarian ng pang-uri.
  4. Masusuri mo ang salitang pang-uring makikita sa pangungusap.

Ano ang Pang-uri? Kahulugan ng Pang-uri

Ang pang-uri o (adjective) sa ingles ay isang bahagi ng pananalita na nagbibigay kahulugan o turing sa ngalan ng bagay, tao, lugar, pangyayari, at marami pang iba.

Ang pang-uri ay kadalasan ginagamit para bigyan linaw ang isang uri ng pangngalan (noun) o panghalip (pronoun).

Halimbawa ng Pang-uri

Narito ang mga halimbawa ng pang-uri na naglalarawan ng isang pangalan.

PangngalanPang-uri
1. KulayPula
2. BilangAnim
3. DamiApat na kilo
4. LakiMahaba
5. HitsuraMaganda
6. HugisBilog

Narito naman ang mga halimbawa ng pang-uri na naglalarawan ng isang panghalip.

PanghalipPang-uri
1. TayoMabait
2. SilaMasipag
3. SiyaMatalino
4. KamiMasunurin
5. KayoMagalang

Mga Uri ng Pang-uri

May tatlong uri ng pang-uri. Ito ay ang pang-uring panlarawan, pantangi at pamilang.

Pang-uring Panlarawan (Descriptive Adjective)

Ang pang-uring panlarawan ay nagsasaad ng laki, hugis, kulay ng tao, bagay, hayop at iba pang pangalan. Sa pang-uring ito, maaaring gamitin ang anyo, amoy, tunog, yari at lasa sa paglalarawan.

Ang mga pang-uring panlarawan ay karaniwang nagsasaad ng katangian na napupuna gamit ang ating limang pandama (five senses). Maaari ring ilarawan nang pang-uri na ito ang mga katangian ng ugali, asal, or pakiramdam ng tao o hayop.

Mga Halimbawa ng Pang-uring Panlarawan

  • Masipag
  • Maganda
  • Asul
  • Mahiyain
  • Masunurin
  • Kalbo

Mga Halimbawa ng Pangungusap na may Pang-uring Panlarawan

Makikita mo sa ibaba ang mga halimbawa ng mga pangungusap na ginagamit ang mga pang-uring panlarawan. Kulay bughaw ang pang-uri at pula naman pangalang inilalarawan nito.

  • Pinagmasdan ni Mavy ang kanyang sarili sa salamin na bilog.
  • Binigyan ni Antonio ng munting regalo ang bata.
  • Si Tania ang babaeng nakasuot ng dilaw na bestida.
  • Kailangan ko nang umiwas sa mga pagkain na masyadong matamis.
  • Hinahabol ako ng isang nakakatakot na aso sa aking panaginip.
  • Ipinagmamalaki ni aling Nene ang kanyang mabuting anak.
  • Malubha ang kalagayan ng kanyang ama.

Pang-uring Pantangi (Proper Adjective)

Ang pang-uring pangtangi ay binubuo ng isang pangngalang pambalana (common noun) at isang pangngalang pantangi (proper noun). Ang pangtangi ay naglalarawan o tumutukoy sa uri ng pangngalang pambalana.

Mga halimbawa ng pang-uring Pantangi

  • Ang pasalubong ni inay sa atin ay masarap na longganisang Manok.
  • Nagsaliksik kami tungkol sa mga katangian ng katutubong Ifugao.
  • Si Maria ay mahusay magsalita ng wikang Espanyol.
  • Mahilig si Sarah sa kimchi at iba pang pagkaing Koreano.
  • Paborito ni ate Steph ang pansit Malabon.

Pang-uring Pamilang (Numeral Adjective)

Ang pang-uring pamilang ay nagsasaad sa dami, bilang, o posisyon sa pagkakasunod-sunod ng pangalan. May Ilang uri ng mga pang-uring pamilang.

Mga Uri ng Pang-uring Pamilang

Ang pang-uring pamilang ay may iba’t ibang uri. Ito ay patakarang pamilang,

Patakaran o Patakarang Pamilang

Ito ay nagsasaad ng aktuwal na bilang ng tao o bagay. Ito ay mga basal na bilang o numeral. Basal – Mga pangngalang pangkaraniwang di nakikita o nahahawakan pero nadarama, naiisip, nagugunita o napapangarap.

Mga Halimbawa ng Patakarang Pamilang: (kulay pula ang pangngalan na inilalarawan ng pang-uri bughaw naman ang pang-uri)

  • Mayroong isang lalaki na kumakatok sa pinto.
  • Sina Jam at Khyle ay may dalawang anak.
  • Bumili ako ng limang itlog sa tindahan.
  • Higit sa apat na libong tao ang nasa mga evacuation center.
Panunuran o Panunurang Pamilang

Ang panunurang pamilang ay nagsasaad ng posisyon ng pangngalan sa pagkasunod-sunod ng mga tao o bagay. Isinasabi ng mga ito kung pang-ilan ang tao o bagay.

Mga Halimbawa ng Panunuran Pamilang: (kulay pula ang pangngalan na inilalarawan ng pang-uri at bughaw naman ang pang-uri)

  • Ako ang ika-apat na mag-aaral na napiling lumahok sa paligsahan.
  • Nakamit ni John ay unang gantimpala sa paligsahan sa pagkanta.
  • Ito ang pang apat na pagkakataon na ibibigay sa iyo ng hukom.
  • Si Rodrigo Duterte ang ika-labing anim na pangulo ng Pilipinas.
  • Nasungkit ni Khyle ay unang gantimpala sa paligsahan sa paggawa ng robot.
  • Gawin mo ang pagsasanay sa ika-anim na pahina ng aklat.
Pamahagi o Pamahaging Pamilang

Ito ay nagsasaad ng bahagi ng kabuuan ng pangngalan. Ang unlaping tig- ay nagsasaad ng pantay na pamamahagi (equal distribution). Ginagamit ito kapag ang bilang ng bagay na ibinigay o natanggap ay pare-pareho.

Maaari rin na may anyong bahagimbilang o hating-bilang (fraction sa Ingles) ang pamahaging pamilang. Ginagamit din ang salitang bahagdan, persentahe, o porsiyento pagkatapos ng bilang para sa bahagi ng isang daan.

Ang mga sumusunod ay mga salita para sa mga bahagimbilang o hating-bilang:

  • kalahati (half, 1⁄2)
  • katlo (one-third, 1⁄3)
  • kapat (one-fourth, 1/4)
  • kalima (one-fifth, 1/5)
  • kanim (one-sixth, 1/6)
  • kapito (one-seventh, 1/7)
  • kawalo (one-eighth, 1/8)
  • kasiyam (one-ninth, 1/9)
  • kasampu (one-tenth, 1/10)
  • sangkapat (1/4)
  • sangkalima (1/5)
  • dalawang-katlo (2/3)
  • apat na kalima (4/5)
  • limang-kawalo (5/8)
  • pitong-kasiyam (7/9)
  • tatlo at kalahati (3 1/2)
  • lima at sangkapat (5 1/4)

Mga halimbawa ng pamahaging pamilang (kulay pula ang pangngalan na inilalarawan ng pang-uri at bughaw naman ang pang-uri):

  • Tiglilimang kendi ang ibibigay sa mga bata.
  • Ang mga mag-aaral ay kumuha ng sangkapat na papel.
  • Kalahating mangkok ng kanin lang ang kinain ni Christian.
  • Gumamit ako ng kalahating tasa ng mantika sa pagluto.
  • Lima at dalawang-katlong sako ng asukal ang natira sa bodega.
  • Upang maipasa ang panukala, kailangan ang boto ng dalawang-katlong konsehal.
Pahalaga o Pahalagang Pamilang

Ito ay nagsasaad ng halaga (katumbas na pera) ng bagay o anumang binili o bibilhin.

Mga halimbawa ng pahalagang pamilang (kulay pula ang pangngalan na inilalarawan ng pang-uri at bughaw naman ang pang-uri):

  • Ibinigay ng batang pulubi ang pisong kendi sa kanyang pinsan.
  • Nabenta na ang limang milyong pisong bahay at lupa sa Cebu.
  • Nakatanggap ako ng sandaang pisong load kagabi.
  • Nakakita ako ng sampung tutubi sa kagubatan.
  • Bibilhin mo ba ang walong libong pisong hikaw?
Palansak o Palansak na Pamilang

Ito ay nagsasaad ng pagpapang-pangkat ng mga tao o bagay. Itinutukoy nito ang bilang na bumubuo ng isang pangkat ng tao o bagay na pinagsama-sama. Halimbawa, ang palansak na pamilang na dala-dalawa ay may kahulugan sa Ingles na “by twos”, “in pairs” o “in groups of two.”

Mga halimbawa ng palansak na pamilang (kulay pula ang pangngalan na inilalarawan ng pang-uri at bughaw naman ang pang-uri):

  • Sampu-sampu ang tao na nagsisidagsaan sa mga evacuation center.
  • Tatlotatlong pakete ng gatas ang ibinebenta sa tindahan.
  • Dalawahan ang mga upuan sa jeep na ito.
  • Animan ang mga estudyante sa bawat kuwarto ng paaralan.
Patakda o Patakdang Pamilang

Ito ay nagsasaad ng tiyak na bilang ng pangngalan. Ang bilang na ito ay hindi na madadagdagan o mababawasan pa.

Mga halimbawa ng patakdang pamilang (may salungguhit ang pangngalan na inilalarawan ng pang-uri at bughaw naman ang pang-uri):

  • Iisa ang pangarap ni Aika at ito ay maging isang tanyag na mananayaw.
  • Dadalawang isda lamang ang nahuli ni Kuya Rey.
  • Sasampung miyembro pa lamang ang nagbabayad ng kanilang utang.
  • Lilimang mag-aaral lamang ang pinayagan na pumunta sa park.

Kaantasan ng Pang-uri

Sa bahagi na ito, sabay nating alamin kung ano ang kahulugan, mga tatlong kaantasan ng pang-uri at mga halimbawa nito. Ang kaantasan ng Pang-uri ay may tatlong (3) antas o kaantasan. Ito ang lantay, pahambing at pasukdol.

Lantay na Pang-uri

Ang lantay na pang-uri ay nagpapakita o nagsasaad ng isa o payak na pangngalan o panghalip na walang pinaghahambingan.

Mga halimbawa ng Lantay na pang-uri (kulay pula ang pangngalan na inilalarawan ng pang-uri at bughaw naman ang pang-uri):

  • Maganda ang bungad sa akin ng umaga.
  • Mabait na kaibigan si Mary.
  • Masipag magluto ng pagkain si Mysie.
  • Malakas ang kidlat kagabi.
  • Maiksi na ang buhok ni Mysie.
  • Tamad gumawa ng Takdang aralin si Mary.
  • Matipid gumamit ng sabon si Berto.
  • Maingay ang manok ni Pedro.
  • Si Precious ay maaruga.
  • Kahit ano man ang sakuna, si Mysie ay maaasahan mo sa ano mang oras.
  • Matangkad si Kian.
  • Maliit ang baywang ni Jam.
  • Maasim ang manggang binili ni Arnel.

Pahambing na Pang-uri

Ang pahambing ay ang ikalawang kaantasan ng pang – uri. Ang kaantasang ito ay naghahambing ng dalawa o higit pang pangngalan.

Ang pahiwatig na paghahambing ay metaphor, isang uri ng panghahambing ng dalawang bagay na magkaiba, ngunit tinutukoy kung ano ang katangiang pinag-uusapan. Tinatawag din itong pagwawangis sa Tagalog.

Mga halimbawa ng Pahambing na pang-uri (kulay pula ang pangngalan na inilalarawan ng pang-uri at bughaw naman ang pang-uri):

  • Si Mary ay mas maliit kaysa kay Mysie.
  • Mas malaki ang bilang ng mga lalaki sa aming klase kaysa sa bilang ng mga kababaihan.
  • Mas maraming pagkain ang mabibili mo sa halagang isang libong piso sa Divisoria kaysa sa supermarket.

Dalawang Uri ng Paghahambing

Ang dalawang uri ng paghahambing ay paghahambing na magkatulad at di-magkatulad.

Paghahambing na Magkatulad

Ginagamit ito kung ang dalawang ihinahambing ay antas na katangian ng isang bagay o anuman. Ginagamitan ito ng mga panlaping ka, magka, ga, sing, kasing, magsing, magkasing, at mga salitang paris, wangis/kawangis, gaya, tulad, hawig, kahawig, mistula, mukha/ kamukha.

ka – nangangahulugan ng kaisa o katulad
Halimbawa: Ang Pilipinas ay kabilang sa pangkat ng Asia.

magka – nangangahulugan din ng kaisahan o pagkakatulad.
Halimbawa: Magkamukha ang kanyang kulay sa paa at baywang.

sing – (sin / sim) gaya rin ng ka-, nagagamit rin ito sa lahat ng uri ng pagtutulad.
Halimbawa: Magkasingganda sina Mysie at Mary.

Tandaan: Ang maramihang sing- ay nagpapakita sa pag-uulit ng unang pantig ng salitang-ugat.

kasing – (kasin / kasim) ang paggamit at kahulugan ay katulad din ng sing- (sin / sim).
Halimbawa: Kasimbilis ng cheetah ang pagtakbo ni Khyle sa paligsahan. Kasingkinis ng balat ni Shaina ang nasa litrato.

magsing – (magkasing / magkasim) ang pinagtutad ay napipisan sa paksa ng pangungusap.
Halimbawa: Ang Japan at South Korea ay magkasinglakas.

Paghahambing na Di-Magkatulad

Itong uri na paghahambing ay nagbibigay ng diwa ng pagkakait, pagtanggi o pagsalungat sa pinatutuyang pangungusap. Ito ay may dalawang uri: hambingang pasahol at hambingang palamang.

  • Hambingang Pasahol

May mahigit na katangian ang pinaghahambingan sa bagay na inihahambing. Ginagamit ang mga sumusunod upang maipakita ang ganiton uri ng paghahambing.

Lalo – nangangahulugan ng pagdaragdag o pagpapahigit sa kulang na katangian. Sinusundan ito ng katuwang na panghambing na kaysa kay kung ngalang tao ang pinaghahambing, kaysa sa kung ngalang bagay o pangyayari.

Halimbawa:
Mas naging matulingin lalo si Alfred kaysa kay Jherico.

Di-gasino – tulad ng ginagamit sa paghahambing ng uri o katangian ng mga tao. Sinusundan ito ng alinman sa mga katagang naghahambing, kabilang ang gaya, tulad, para o paris na sinusundan ng panandang ni.

Di-gaano – ginagamit ito sa hambingang bagay lamang.

Di-totoo – nangangahulugan ng pagtawad o pagbabawas sa karaniwang uri. Nagagamit itong pamalit sa di-gasino at di-gaano.

  • Hambingang Palamang

May mahigit na katangian ang inihahambing sa bagay na pinaghahambingan. Naipapakikita ito sa tulong ng sumusunod:

Lalo – Ang diwa ng paghahambing ay magiging kalamangan at di kasahulan kung ang sinasamahang pang-uri ay nagpapahayag ng kalakihan, kataasan, kalabisan o kahigtan. Katuwang nito ang kaysa, kaysa sa at kay.

Halimbawa: Lalong maunlad ang bansa natin kaysa sa isa.

Higit/ mas – Ito ay nagsasaad ng kalamangan kung ginagamit ito sa paghahambing.
Halimbawa: Higit na malinis ang kwarto ko kaysa sa kanya.

Labis – tulad din ng higit o mas.
Halimbawa: Labis ang pagmamahal ng president sa bayan.

Di-hamak – ginagamit ito karaniwan sa isinusunod ng pang-uri.
Halimbawa: Di-hamak na mayayaman ang mga  Amerikano sa mga Hapon.

Pasukdol na Pang-uri

Ang pasukdol na pang-uri ay nagsasaad ng katangiang namumukod o nangingibabaw sa lahat ng pinaghahambingan. Ito ay maaaring negatibo o positibo.

Ang paglalarawan dito ay sadyang masidhi kaya ginagamit ang mga salitang sobra, ubod, pinaka, tunay, talaga, saksakan at kung minsan ay inuulit ang pang-uri.

Halimbawa ng pasukdol na pang-uri:

  • Si Athena ang pinakamatalino sa buong klase.
  • Sobrang bibo kung maglaro si Alexis.
  • Ang lakilaki ng isdang binili ko.
  • Si Troy ang pinakamalakas kumain sa aming magbabarkada.
  • Ubod ng ganda ang dalagang si Maikha.
  • Pinakamabait sa magkakapatid si Christian.
  • Ang di ko makakalimutangpangyayari sa aking buhay ay yung pumanaw ang aking pinakamamahal na alaga.
  • Saksakan nang tamad si clark.
  • Hindi ko inaasahan na napakalaki ang utang ko sa bangko central.
  • Dahil sa ininom na bitamina ni romella kaya siya ay payatpayat na.

Kayarian ng Pang-uri

Ang panghuling bahagi ng araling ito ay tungkol sa Kayarian ng Pang-uri. Mayroong apat 4 na kayarian ng pang-uri: ang payak, maylapi, inuulit, at tambalan.

Payak

Ito ang pinakasimpleng anyo ng pang-uri. Binubuo ito ng salitang-ugat lamang.

Mga Halimbawa ng Payak na Pang-uri sa Pangungusap:

  • Ang bunga ng mangga ay hinog na.
  • Kunin mo ang basang pamunas sa ibaba.
  • Ang taas ng paraalang ito.
  • Ganda ng damit niya.
  • Ang tigas ng ulo ni Kim.

Maylapi

Ang mga pang-uri ay binubuo ng salitang ugat at panlapi.

Mga Halimbawa ng Maylapi na Pang-uri sa Pangungusap:

  • Ang Carlo ay mataba.
  • Si Julie ay masunurin.
  • Siya ay may malaking pamilya.
  • Masarap ang puto na niluto ni Lola.
  • Ang damit ni Rita ay mabango.
  • Matigas ang ulo ni Rafols.
  • Makulit si Baste.

Inuulit

Binubuo ito sa pamamagitan ng pag-ulit ng buong salita o bahagi ng salita.

Mga Halimbawa ng Inuulit na Pang-uri sa Pangungusap;

  • Ang liliit ng pusa na bigay ni Clark.
  • Malakingmalaki ang bahay na gusto ko.
  • Ang puti-puti ng ngipin ni Cheska.
  • Kaakit-akit ang lugar sa Cebu.
  • Araw-araw kami maligo sa dagat.

Tambalan

Binubuo ito ng dalawang magkaibang salitang pinagsama o pinagtambal na maaaring magkaroon ng pangalawang kahulugan.

Mga Halimbawa ng Tambalan na Pang-uri sa Pangungusap

  • Si Nida ay kapit-tuko sa kanyang nanay.
  • Lakad-pagong naman ‘yang si Sonya.
  • Si Nile ay boses-ipis.
  • Ang kapatid ko ay balat-sibuyas.
  • Si Dalisay ay parang utak-matsing.

Buod sa Aralin Tungkol sa Pang-uri

Bilang isang pagbabalik aral sa ating sinimulan, ano nga ang pang-uri? Ang pang-uri ay bahagi ng pananalita na nagbibigay deskripsyon o turing sa ngalan ng tao, bagay, hayop, pangyayari, lugar, kilos, oras, at iba pa. Kadalasan, ginagamit ito upang mas bigyang linaw ang isang pangngalan.

Lagi niyong tatandaan na ang pang-uri ay maaaring gamitin sa kung saan-saan. Nawa’y sana marami kayong natutunan ngayon tungkol sa  Pang-Uri at ano ang mga bahagi nito. Muli, maraming salamat sa pagbabasa nito.  

Basahin ang iba pang mga aralin: Rin at Din, Anekdota, Parabula, Sanhi at Bunga, Lakbay Sanaysay, Pabula, Panitikan, Wika, Ng at Nang