Ang Asno at Ang Lobo

Isang araw, mayroong isang Asno na tahimik na kumakain sa isang malawak na damuhan. Bigla na lamang siyang nagulat nang lumundag sa kanyang harapan ang isang gutom na gutom na Lobo.

“Aruy! Aruy!” sigaw ng Asno sa sakit.

Naguguluhan ang Lobo na naglalaway habang pinagtataka kung bakit umiiyak sa sakit ang Asnong balak niyang atakihin. Nagpapanggap ang Asnong may sakit sa kanang paa.

“Pa… parang awa mo na. Aruy ko! Aruy ko! Natinik ng matulis at kinakalawang na bakal ang aking kanang paa. Pakitanggal mo ang tinik bago mo ako gawing pananghalian. Parang awa mo na kaibigang Lobo.”

“Huwag mo akong tawaging kaibigan. Ayoko lang na matinik din ang aking lalamunan kung gagawin kitang pananghalian.”

“Aruy ko! Aruy ko! Tanggalin mo na. Tanggalin mo na. Mamamatay ako sa sakit! Aruy ko! Aruy ko!” nakabibinging hagulgol ng Asno.

Pinatungan ng Lobo ang kanang paa ng Asno na tinuturo nito. Sinuri ito.

“Wala naman akong makitang tinik a,” sabi ng Lobo na nagtataka.

“Tingnan mong mabuti. Aruy ko! Aruy!” Nang yumuko ang Lobo upang muling suriin, itinaas ng Asno ang kanyang kanang paa at malakas na sinipa ang bibig ng manliligaw na mambibiktima. Natumba ang Lobo. Nang hawakan niya ang kanyang duguan na bibig, natuklasan ng ganid na Lobo na nabungi ang lahat ng kanyang ngipin.

Dahil hindi na niya makagat ang Asnong dapat sana ay maging biktima, umalis ang Lobo nang puno ng hiya at pagsisisi dahil sa kanyang katangahan.

Aral sa Pabula na Ang Asno at Ang Lobo

Ang aral na maaring makuha sa pabula na Ang Asno at Ang Lobo ay ang kahalagahan ng pagiging matalino at maparaan sa harap ng peligro. Sa sitwasyon kung saan maaaring maging biktima ang Asno, nagamit niya ang kanyang talino at pag-iisip upang mailigtas ang kanyang sarili mula sa mapaminsalang Lobo.

Sa halip na magpadala sa takot, nahanap ng Asno ang paraan para makuha ang simpatiya ng Lobo at sa huli, maprotektahan ang kanyang sarili mula sa panganib.