Noli Me Tangere Kabanata 64: Ang Katapusan (Buod, Tauhan at Aral)

Noli Me Tangere Kabanata 64 Ang Katapusan Buod, Tauhan at Aral

Ang Kabanata 64 ng Noli Me Tangere ay ang huling kabanata ng nobelang isinulat ni Dr. Jose Rizal. Sa kabanatang ito, malalaman natin ang mga pangyayari sa buhay ng mga pangunahing tauhan matapos ang mga pangyayaring naganap sa mga naunang kabanata.

Sa kabanatang ito, magkakaroon tayo ng pagkakataon na masilip ang mga aral at mensahe na nais iparating ni Rizal sa atin bilang mga mambabasa.

Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 64: Ang Katapusan

Simula nang pumasok si Maria Clara sa kumbento, nagpakalayo-layo na rin si Padre Damaso. Sa Maynila siya naglagi hanggang inilipat ng padre provincial sa isang malayong lalawigan upang doon na magmisa.

Kinabukasan, natagpuang pantay si Padre Damaso. Ayon sa pagsusuri ng mediko, bangungot o sama ng loob ang sanhi ng kaniyang pagpanaw.

Nanungkulan naman pansamantala si Padre Salvi sa kumbentong pinapasukan ni Maria. Ilang araw pa ay naging Obispo na rin ito at nagtungong Maynila.

Bago naman maging ganap na mongha si Maria, kalunos-lunos naman ang sinapit ng kaniyang ama-amahang si Tiago. Nangayayat ito nang husto, naging mapag-isip, at nawalan ng tiwala sa mga tao sa kaniyang paligid.

Sinabihan naman ni Maria ang kaniyang Tiya Isabel na umuwi na lamang sa Malabon o San Diego dahil nais na niyang mamuhay nang mag-isa. Napabayaan na rin nito ang mga santo at santang pinananampalatayaan.

Naging abala si Tiyago sa paglalaro ng liyempo, sabong, at paggamit ng marijuana. Napabayaan niya ang kaniyang kalusugan at kabuhayan. Ganap nang nalimot ng mga tao na dati siyang marangya at iginagalang na tao sa kanilang bayan.

Samantala, si Donya Victorina ay patuloy sa pagdagdag ng kulot sa kaniyang ulo upang magbalatkayo na isang taga-Andalucia. Pero nangungutsero na lang siya ngayon.

Hindi makakilos si Don Tiburcio at hindi na rin makapanggamot bilang isang doktor at wala na ring mga ngipin.

Mga Tauhan sa Noli Me Tangere Kabanata 64: Ang Katapusan

Narito ang mga tauhan sa Kabanata 64 ng Noli Me Tangere at ang kanilang papel sa kabanata:

  1. Don Tiburcio – Siya ay kinilalang manggagamot ng mga taga-bayan ng San Diego. Sa kabanatang ito ay namaalam na siya sa pagiging doktor dala ng labis na katandaan. Wala na siyang mga ngipin at hindi na rin nakakapaghanap-buhay.

  2. Donya Victorina – Siya ay ang mapagbalatkayong kabiyak ni Don Tiburcio. Siya ay nagtrabaho bilang kutsero upang buhayin ang kabiyak sapagkat hindi na ito nakakapaggamot.

  3. Kapitan Tiyago – Siya ay naging malulungkutin, palaisip, at nawalan ng tiwala sa mga kainuman. Kung dati ay namimintakasi sa mga santo ngayon ay halos limot na. Madalas ay naglalaro ng sabong at humihithit ng marijuana. Maging ang kanyang kalusugan at kabuhayan ay kanyang napabayaan.

  4. Maria Clara – Siya ay pumasok sa kumbento bilang tugon sa pag-kawala ni Ibarra.

  5. Padre Damaso – Siya ay nanirahan sa Maynila at inilipat sa isang malayong probinsya at doon nalagutan ng hininga na ayon sa doktor ay bunga ng sama ng loob o bangungot.

  6. Padre Salvi – Siya ay naging kapalit ni Padre Damaso bilang kura at naghihintay ng ang pagiging obispo. Pansamantala siyang nanungkulan sa kumbento ng Sta. Clara na siyang pinasukan ni Maria Clara .

  7. Tiya Isabel – Siya ay pinsan ni Kapitan Tiyago at dating tagapag-alaga ni Maria Clara at namuhay na mag-isa matapos na iwan si Kapitan Tiyago bunga ng kanyang mga bisyo.

Mga Aral, Mensahe at Implikasyon Noli Me Tangere Kabanata 64

Narito ang mga aral, mensahe at implikasyon ng Kabanata 64 ng Noli Me Tangere:

  1. Kung hindi mapanghahawakan ang mga suliranin nang maayos, maaaring maging bunga ito ng pagkaligaw ng landas.

  2. Lahat ng suliranin ay may tamang solusyon at hindi ang bisyo at pagpapabaya sa sarili.

  3. Ang mag-isip at gumawa ng masama sa kanyang kapwa ay hindi magdudulot ng isang mabuting karma. Malimit ang kabutihang bumabalik sa iyo ay dulot lamang ng kabutihang ibinibigay mo sa iyong kapwa.

  4. Ang tao ay nagtatanim ng kabutihan upang mag-ani ng kabutihan. Ito ay dahilan na rin ng paniniwala na kung ano ang iyon itinanim ay siya rin ang iyong aanihin.
Filipino.Net.ph